‘Bayanihan sa Barangay’ sa Metropolitan Manila umarangkada
MANILA, Philippines — Inumpisahan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang programang ‘Bayanihan sa Barangay’, ito ay ang sama-samang paglilinis sa mga barangay lalo na sa mga lugar na malaki ang populasyon.
Inilunsad kahapon ang programa sa Barangay Bangkal sa Makati City kasama ang lokal na pamahalaan upang magkatuwang na magkasa ng mga operasyon sa paglilinis sa estero, declogging ng mga drainage, clearing sa mga sidewalk, pagpipinta sa mga pedestrian lanes, instalasyon ng mga road signages at iba pa.
Sa parte ng MMDA, kasama na kikilos sa programa ang kanilang Flood Control and Sewerage Management Office, Health, Public Safety and Environmental Protection Office, Sidewalk Clearing Operations Group, at Traffic Engineering Center (TEC).
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, na layunin din nito na itaas ang kaalaman ng publiko sa tamang pagtatapon ng dumi at basura.
Nagkasa din ng orientation sa mga residente ukol sa mga batas at parusa laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, pagkakalat, solid waste management, kahandaan sa kalamidad at ang ‘trash to cash programs’ para pagkakitaan ng mga maralita ang kanilang mga basura.
Nakipagkasundo rin ang MMDA sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa TUPAD program, na ikakalat nila sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang maglinis ng mga drainage at estero.
Ikakasa ang ‘Bayanihan sa Barangay’ sa lahat ng siyudad at bayan ng Metro Manila sa mga darating na araw.
- Latest