MANILA, Philippines — Tatlong Chinese national ang dinakip matapos makuhanan ng mga armas at illegal na droga sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa loob ng isang condominium unit sa Pasay City, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Wu, Zhangjian alyas “Michael Wang”, 32 taong gulang; Guanglin Jiang, 28; at Mao, Wei, 23 .
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), bandang alas-3:30 ng madaling araw ng Hunyo 3 nang arestuhin ang mga suspek sa loob ng condominium unit na matatagpuan sa Seaside Boulevard, MOA Complex, Pasay City.
Bitbit ang search warrant na inisyu ni Judge Rowena Nieves Tan, isinagawa ang pag-aresto matapos na makatanggap ang pulisya ng reklamo na may nakasukbit pa umanong baril ang mga dayuhan sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng batas laban sa pagdadala ng baril ng sinumang banyaga.
Katuwang ang puwera ng District Special Operation Unit-Southern Police District kasama pa ang mga elemento mula sa DSOU-SPD, DDEU-SPD, DID, DMFB, nagsagawa ng pagsalakay ang SIS Pasay CPS, Northern NCR Maritime Police Station at 3rd SOU, Maritime Group sa naturang condominium unit na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Narekober sa operasyon ang isang unit ng Glock 26, kalibre 9mm, na kargado ng isang magazine at 10 bala, isang revolver handgun na may apat na live ammunition at isang revolver chamber.
Nasamsam din sa lugar ang tatlong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 11 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ?74, 800, anim na pirasong plastic tube, anim na pirasong glass tooter, dalawang glass panel, dalawang plastic bottle na may likidong laman at nababaluktot na tubo at tooter, isang plastic container na may likido na hinihinalang ilegal na droga, plastic tube at isang digital weighing scale.