MANILA, Philippines — Umaasa si Quezon City Mayor Joy Belmonte na mas marami pang QCitizens ang makikinabang mula sa Q City Bus Program ng lungsod matapos na gawin na itong institutionalized, sa pamamagitan ng isang ordinansa na inaprubahan niya kamakailan.
Ang kasalukuyang Q City Bus Program ay bahagi na ngayon ng ipinatutupad na mga programa ng public transport system na pinangangasiwaan ng city government, matapos na lagdaan ni Mayor Joy ang Ordinance No. SP-3184, S-2023, na ipinakilala nina Councilors Alfred Vargas at Ram Medalla.
“Ngayong pinagtibay na ang ating Q City Bus Program sa pamamagitan ng isang Ordinansa, umaasa ako na marami pang QCitizens ang makikinabang sa programang ito,” ayon kay Belmonte.
Matatandaang itinatag ni Belmonte ang pioneering at inspiring initiative noong 2020 upang magkaloob ng libreng transportasyon sa mga QCitizens, sa gitna ng pandemya ng COVID-19 na naglimita sa public transportation sa Metro Manila.
Simula noon, umaabot na sa mahigit 14.6 milyong pasahero ang napagsilbihan nito mula sa walong ruta.
Anang alkalde, “Malaki rin ang naitulong ng programang ito para mabawasan ang gastos ng ating Qcitizens sa kanilang araw-araw na pamasahe, lalo pa’t nagtaas din ang presyo ng bilihin.”
Sa ilalim ng ordinansa, ang Transportation and Management Division ng Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang mangangasiwa sa operasyon at higit pang development sa Q City Bus Program.
“The implementation, supervision, operation, and further development of the Q City Bus Program shall be guided by the principles of environmental sustainability, ecological balance, sustainable technological innovation, good governance, and accountability, and the best interest of the constituents of Quezon City,” dagdag ng alkalde.