3 sugarol, huli sa P200K shabu
MANILA, Philippines — Halos P200,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Makati City Police sa tatlong indibidwal na inisyal na inaresto dahil sa iligal na pagsusugal ng cara y cruz sa loob ng isang compound sa naturang siyudad kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Ervin Alcantara, 36; Mary Grace Roldan, 39 at Benjie Davad, 38-taong gulang.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:10 ng Lunes ng hapon nang salakayin nila ang Laperal Compound sa may Brgy. Guadalupe Viejo makaraan ang sumbong ng isang concerned citizen ukol sa iligal na sugal na malakihan ang taya.
Nasukol ng mga pulis ang tatlong suspek.
Nang isailalim sa inspeksyon, dito nadiskubre ang 25 medium plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 24.26 gramo at halagang P164,968, at anim pang mas maliit na plastic sachet na may lamang 3.18 gramo at halagang P21,624 na hinihinalang shabu.
Nang kapkapan si Davad, nadiskubre rin sa posesyon niya ang dalawa pang maliit na plastic sachet na may lamang 0.97 gramo ng shabu na may halagang P6,596.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Illegal Gambling at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati City Prosecutors’ Office.
- Latest