QR code gamit sa pagpapalimos

High-Tech na rin

MANILA, Philippines — Nag-viral ang larawan ng ‘high-tech’ na pagpapalimos ng mga batang kalye sa mga nagdaraang pedestrians at motorista sa Sampaloc, Maynila kung saan may dala-dalang naka-imprintang QR code ang mga ito.

Sa Facebook post ng netizen na si Angelo Gabriel Fuentebella, nasorpresa siya nang maglabas ng printed na QR code ang batang namamalimos nang sabihan niya na wala siyang barya.

Naglabas din aniya, ng cellphone ang bata at tsinek pa kung pumasok ang ibinigay na pera.

“Nagsabi kami na wala kaming barya tapos biglang naglabas ng ganun ng QR code kaya natawa muna kami, chineck namin kung totoo yung QR. Nakalagay ‘Beverly,’” ayon kay Fuentebella.

Maawain aniya, siya palagi siya naglilimos at minsan ay pagkain ang kaniyang ibinibigay. Pero sa pagkakataong iyon ay napaisip siya nang makita ang QR code.

Dahil dito kaya nagbabala ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa publiko hinggil sa bagong modus sa pagpapalimos na pinaniniwalaang sindikato ang nasa likod nito.

“Merong mga sindikato na nasa likod ng mga ganito merong mga instances noon na hinahatid ito ng van sa umaga pini-pick up sa gabi,” pahayag ni NAPC vice chairperson Reynaldo Tamayo Jr. sa panayam ng GMA news.

May multa at parusang kulong o ang Anti-Mendicancy Law para sa mga nagpapalimos, nagbibigay ng limos at mga magulang ng mga batang hinahayaang manlimos ang kanilang mga anak.

“Kami na nasa go­vernment sector ang gusto namin mangyari ay ‘yung ma-conso­lidate natin lahat ng programa ng gobyerno para matignan at matutukan ‘yung mga problema na ganito,”dagdag pa ni Tamayo.

Noong nakaraang 2021, ang poverty rate sa bansa ay nasa 18.1% o isa sa limang Pilipino ay mahirap.

Samantalang noong 2022, nasa 4.4 milyong pamilya o households ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2022.

Gayunpaman, hindi lahat ng mahihirap na sambahayan ay naging bahagi ng programa dahil sa hindi sapat na sistema ng pagsubaybay sa komunidad.

Show comments