MANILA, Philippines — Nakakalat na ang mga bangka na maaring kailanganin ng mga residente ng Marikina sa paglilikas oras na manalasa na ang super typhoon Betty.
Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, naka-stand-by na sa istratehikong mga lugar partikular na sa mga komunidad na malapit sa ilog ang mga rescue boat.
Mula sa Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office, inilagak ang mga rescue boat sa Provident Village, Homeowners’ Drive sa Brgy. Sto. Niño, A. Santos St. sa Brgy. Tumana, at Bayabas St. sa Brgy. Nangka na madalas bahain ‘pag may kalamidad.
Ipinaalala ni Teodoro sa mga residente na ugaliing makinig sa abiso at lumikas kung kinakailangan sakaling umapaw ang Marikina river.
Samantala, inilatag na rin ng Pasig Disaster Risk Reduction and Management Office ang kanilang rescue equipment na gagamitin sa pagtugon sa emergency situations sa lungsod sa pananalasa ng bagyo.
Inihanda ng Pasig LGU ang mga rubber boat, salbabida, ambulansya, truck, life vest, at iba pa para sa pagtugon sa anumang emergency cases.
Ayon kay Pasig Mayor Vico Sotto, sa ganitong sitwasyon na may malakas na bagyo, halos hindi na natutulog ang kanilang DRRMO.
Anya pinaigting ang pagsubaybay nila sa sitwasyon at maya’t-mayang nagbibigay ng update sa publiko tungkol sa bagyo.