Koreano nakatakas sa BI detention
MANILA, Philippines — Nakatakas ang isang Koreanong inmate sa Bureau of Immigration (BI) detention facility sa Taguig City nang magawang akyatin ang perimeter fence ng pasilidad.
Ipinag-utos na ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang manhunt operation para madakip ang pumuga na si Kang Juchun, 38.
Inaresto si Kang noong Pebrero 10, paglapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dahil sa kasong murder at abandonment of a dead body.
Pinaniniwalaan na nagawang maakyat ni Kang ang 20-talampakan na perimeter fence na may barbed wire dakong alas-2 ng madaling araw.
Posible umano na nagtamo ng pinsala si Kang sa kaniyang pagbagsak.
Ayon sa BI, maaaring napansin ni Kang na may blindspot sa CCTV sa pasilidad na kaniyang inakyat kaya hindi ito nakunan ng video.
“This is a serious breach of our facility’s security, and have initiated a thorough investigation to determine lapses that allowed this to occur as well as take necessary steps to prevent similar incidents in the future,” saad ni Tansingco.
Bilang tugon, ipinag-utos ni Tansingco na itaas pa ang pader at maglagay ng isa pang watch tower para mapataas ang seguridad ng pasilidad. Ipinaalam na ito ng BI sa Department of Justice at sa Korean Embassy.
- Latest