Lola patay sa sunog sa Quezon City

Ang mga residente ng Balon-Bato sa Quezon City, habang naghahanap pa ng mga mapapakinabangan makaraan ang sunog na sumiklab sa kanilang lugar kahapon ng madaling araw kung saan isang 70-anyos na lola ang nasawi
STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Isang lola ang namatay habang nasa 30 pamilya ang naapektuhan sa naganap na sunog na sumiklab sa Brgy. Balon-bato, Camachile, Quezon City.

Ayon sa mga elemento ng Bureau of Fire Protection (BFP) narekober ang labi ng biktima na tinatayang nasa 70-anyos sa isinagawang search and retrieval operations matapos na unang mapaulat na nawawala ito. Wala namang naitalang nasugatan kaugnay ng naganap na sunog.

Naganap ang sunog pasado alas-4 ng umaga na umabot sa ikaapat na alarma bago tuluyang naapula.

 Ayon sa BFP nahirapan silang  kontrolin ang sunog dahil sa dikit-dikit na mga kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials.

Naideklarang fire out ang sunog bandang alas-8:08 ng umaga.

Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.

Samantala, nagkaloob naman ng partition tents at hygiene kits ang QC Disaster Risk Reduction Management Office sa mga evacuees sa Leland Drive Basketball Court sa Balonbato at Camachile covered court.

Show comments