Lola patay sa sunog sa Quezon City
MANILA, Philippines — Isang lola ang namatay habang nasa 30 pamilya ang naapektuhan sa naganap na sunog na sumiklab sa Brgy. Balon-bato, Camachile, Quezon City.
Ayon sa mga elemento ng Bureau of Fire Protection (BFP) narekober ang labi ng biktima na tinatayang nasa 70-anyos sa isinagawang search and retrieval operations matapos na unang mapaulat na nawawala ito. Wala namang naitalang nasugatan kaugnay ng naganap na sunog.
Naganap ang sunog pasado alas-4 ng umaga na umabot sa ikaapat na alarma bago tuluyang naapula.
Ayon sa BFP nahirapan silang kontrolin ang sunog dahil sa dikit-dikit na mga kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials.
Naideklarang fire out ang sunog bandang alas-8:08 ng umaga.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.
Samantala, nagkaloob naman ng partition tents at hygiene kits ang QC Disaster Risk Reduction Management Office sa mga evacuees sa Leland Drive Basketball Court sa Balonbato at Camachile covered court.
- Latest