MANILA, Philippines — Hinatulan na makulong ng hanggang isang taon ng Manila City Metropolitan Trial Court Branch 17 ang kontrobersyal na si Peter Joemel Advincula, alyas ‘Bikoy’ makaraang ituro ang tatlong miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa ‘ouster plot’ laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 18-pahinang desisyon ng korte, natagpuan na ‘guilty beyond reasonable doubt’ si Advincula sa kasong perjury. Hinatulan siya ng pagkakulong ng isang taon at isang araw na maximum.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo nina Attys. Erin Tañada, Jose Manuel “Chel” Diokno, at dating Supreme Court spokesperson Theodore Te na pawang tinukoy ni Advincula na mga miyembro ng “Project Sodoma”, at sinasabing nagbubuo ng plano para pabagsakin noon si Duterte.
Isa sa akusasyon ni Advincula ay nagpulong umano ang tatlo noong Marso 4, 2019 at Mayo 2, 2019 para buuin ang kanilang plano. Ngunit sinabi nina Diokno at Tañada na hindi nila nakita si Advincula noong Marso 4 nang dumalo sila sa isang forum sa Ateneo de Manila University bilang mga senatorial candidates.
Ayon naman kay Te, nakilala lamang niya si Advincula noong Mayo 2 sa ebalwasyon niya sa kaniya bilang potensyal na kliyente ng FLAG at hindi ukol sa sinasabi niya na Project Sodoma.
Sa pagbaba ng desisyon, sinabi ng korte na nakapagbigay ng sapat na mga patunay ang prosekusyon para masabi na sinadya ni Advincula na gumawa ng mga kasinungalingan.
“Accused’s statements do not appear to be an expression of his opinion or a judgment. Accused made them under the pretext that he was present and participated in the meetings,” saad ng korte.