Taas-presyo sa gasolina at diesel, aarangkada ngayong Martes

MANILA, Philippines — Nakatakdang magpatupad ng taas-presyo sa gasolina at diesel ang mga kompanya ng langis sa bansa ngayong Martes, Mayo 23.
Sa abiso ng Caltex, nabatid na dakong alas-12:01 ng hatinggabi ay itataas nila ang presyo kada litro ng gasolina ng P0.80 kada litro habang P0.60 naman kada litro ang dagdag sa presyo ng diesel.
Ang kerosene naman ay may katiting na bawas sa presyo kada litro na nasa P0.10 kada litro.
Ganito rin naman ang ipaiiral na price adjustment sa gasolina, diesel at kerosene ng Shell at Seaoil na ipatutupad dakong alas-6:00 ng umaga.
Ang Jetti Petroleum naman ay magpapatupad ng kahalintulad na price adjusment sa gasolina at diesel ganap na alas-6:00 ng umaga.
Samantala, dakong alas-4:01 ng hapon naman ipapatupad ng Cleanfuel ang kaparehong price adjustment sa gasolina at diesel.
Nabatid na ang pagsipa ng presyo ng langis ay bunsod ng inaasahang pagtaas ng demand sa China at plano ng G7 countries na higpitan pa ang saction sa langis mula sa Russia, kasabay ng balak naman ng Amerika na pagdagdag ng kanilang strategic petroleum reserve.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na tumaas ang presyo ng naturang mga produkto, habang magkakaroon naman ng rollback sa presyo ng kerosene. — Angie dela Cruz
- Latest