MANILA, Philippines — Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Edgar Alan Okubo na tuluy-tuloy na rin ang arangkada ng kanilang programang Revitalized Pulis Sa Barangay (RPSB) sa Metro Manila na layong maibigay ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan gamit ang mga police personnel.
Sa kanyang pagdalo sa isinagawang Grand Health Caravan sa Brgy. 175 sa Caloocan City, sinabi ni Okubo na handa ang NCRPO sa iba’t ibang proyekto sa barangay tulad ng pagbibigay ng libreng medical at dental service, libreng reading/eye glasses, tuli at maging ang pagkuha ng birth certificate.
Ani Okubo, dahil sa layo at gastos na problema ng isang indibiduwal, ang RPSB na ang pupunta sa mga barangay upang maibigay ang kanilang kailangan na dokumento. Maging ang mga liblib na lugar ay kanila ding papasukin upang mapagsilbihan ang publiko.
Paliwanag ni Okubo sa programang RPSB hindi lamang nalilimita sa sa peace and order ang tungkulin ng mga pulis kundi tutulong na rin ang mga ito sa pagpaparehistro ng mga barangay at birth certificate at enrollment sa mga paaralan.
“Tayo na ang lalapit at pupunta sa barangay na bahagi ng makabagong serbisyo”, ani Okubo.
Nabatid na umaabot sa 50 doktor ang tumulong sa Grand Health Caravan upang matiyak na ang lahat ay daraan sa tamang proseso tulad ng registration, screening, check up at pagbibigay ng gamot.
Ayon naman kay Northern Police District (NPD) director PBrig. Gen. Ponce Rogelio Peñones, naging maayos ang health caravan sa tulong na rin ng mga opisyal at miyembro ng NCRPO, ang Caloocan City Police sa pangunguna nina Col. Ruben Lacuesta, Brgy. 175 chairman Ronald Matias, DOH regional director Dr. Aleli Annie Sudiacal at Dr. Angel Cortez.