2 Indian terrorist, idineport
MANILA, Philippines — Dalawang Indian national na pinaghihinalaang miyembro ng teroristang grupo na Khalistan Tiger Force (KTF), ang tuluyan nang naideport nitong Huwebes ng gabi sa kabila na nagtangka pa ang isa sa mga ito na tumakas, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Ang mga suspek na sina Hayer Amriptal Singh, 24 at Amrikh Singh, 23, ay dinala sa NAIA Terminal 1 ng mga ahente ng CICC at Bureau of Immigration.
Isinakay ang mga ito sa Thai Airways flight TG 625 at TG 331 Manila patungong New Delhi via Bangkok.
Sinabi ni CICC Executive Director Alexander K. Ramos na sinubukan pang tumakas ng isa sa mga suspek na si Hayer Amritpal Singh na nagdulot ng kaguluhan sa departure area ng NAIA.
Agad namang nahuli ang suspek matapos itong tumalon sa hagdanan ng departure area at lumagapak sa arrival area ng paliparan.
Ang dalawa na pinaniniwalaang kaanib sa KTF ay natunton ng mga operatiba sa isang eksklusibong subdivision sa Iloilo City noong Marso 7.
Idineklara ng gobyerno ng India ang Khalistan Tiger Force, bilang mga teroristang organisasyon sa ilalim ng Unlawful Activities (Prevention) Act, UAPA. Inuri ng Union Home Ministry ang Khalistan Tiger Force bilang isang militanteng sangkap dahil nilalayon nitong buhayin ang terorismo sa Punjab.
Ang organisasyon ay nagsusulong ng iba’t ibang gawain ng terorismo, kabilang ang mga target na pagpatay sa Punjab.
Nakalusot sa bansa ang nasabing mga terorista gamit ang mga pekeng passport.
Ang mga suspek ay nasa Interpol Red Notice watchlist at nahaharap sa mga kasong murder, paglabag sa Explosive Substances Act 2001 at Unlawful Activities Prevention Act 1967 ng India.
- Latest