3 patay sa bumagsak na balete tree

Ang mga kabahayan na binagsakan ng isang matandang puno ng balete sa may Estero de Magdalena sa Recto Avenue sa Binondo, Manila. Tatlo ang iniulat na nasawi sa insidente.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Tatlo ang nasawi, kabilang ang isang mag-ama na magkayakap pa nang matagpuan makaraang mabagsakan ang kanilang mga bahay ng isang matanda nang puno ng balete sa may Estero de Magdalena sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang mga nasawing biktima ay nakilalang sina Edcel Landsiola, 42; at ang mag-amang sina Jomar Portillo, 28, at John Mark, 2.
Wala nang buhay si John Mark nang marekober ng rescue team, habang nasawi naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kanyang ama na si Jomar at si Landsiola.

Samantala, sugatan naman sa insidente sina Katelyn Caparangan, 13; ang kanyang amang si Reynaldo Caparangan; Alvin Portillo 32; Gecalyn Villorigo, 22; at isang ‘di pa kilalang biktima.

Batay sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa nasabing estero na malapit sa kanto ng Recto ­Avenue at Reina Regente St., sa Binondo.

Nasa kahimbingan ng pagtulog ang ma­rami sa mga residente nang isang malakas na tunog ang kanilang marinig.  Akala ng iba ay bumagsak ang katabing gusali sa kanilang lugar ngunit ang malaking puno pala ng Balete ang bumagsak.Nabagsakan ng puno ang mga bahay na pawang gawa sa light materials at nadaganan ang isang pader na nabiyak dahil sa bigat ng kahoy.  

Mabilis namang rumesponde ang mga rescuers nang matanggap ang ulat at dakong alas-7:33 ng umaga nang mailabas ang lahat ng biktima.
Kasalukuyang nagsasagawa pa ng berepikas­yon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa antas ng pinsala na idinulot ng puno at kung ilan ang kabuuang indibiduwal na naapektuhan nito.

Show comments