Sunog sumiklab sa Maynila: 1 patay, 400 bahay tupok!

Nababalutan pa rin ng usok at wala nang mapapakinabangan pa ang mga residente matapos matupok ang may 400 kabahayan nang sumilklab ang sunog na umabot sa ikalimang alarma sa Oroqueta St., Santa Cruz, Maynila kahapon.
Jesse Bustos

Operasyon ng LRT-2 nadamay, 4 pa sugatan

MANILA, Philippines — Isa ang patay habang apat ang sugatan at tinatayang 400 kabahayan ang natupok nang sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila na ikinadamay ng operasyon ng Light Rail Transit (LRT)-2 kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-2:49 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa No. 840 Oroquieta St. Brgy. 310, Sta Cruz at dahil sa pawang gawa sa semi-light materials ang mga kabahayan, agad na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.

Isang hindi pa nakikilalang bangkay ang nadiskubre sa isinagawang inisyal na mopping operation ng BFP habang apat ang isinugod sa ospital na nakilalang sina Danilo Roque, 29, na nagtamo ng sugat sa paa; Neil Royo, 26, nagtamo ng second degree burn sa iba’t ibang parte ng katawan; Raquel Baylos; at Welma Norbais, 61.

Nasa 400 kabahayan ang nilamon ng apoy sanhi upang magsilikas ang may 1,200 pamilya sa barangay covered court, sa kalapit na bus terminal at ang iba ay sa gilid na lang ng kalsada sa Recto Avenue napadpad.

Alas-3:49 ng mada­ling araw nang itaas ng BFP sa ikalimang alarma dahil sa laki na ng sunog na nagsimula umano sa isang paupahang gusali habang alas-6:43 ng ­umaga na nang idekla­rang fire under control.

Tinatayang aabot sa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog.

Dahil sa sunog, nagpatupad naman ng “provisionary operations” ang LRT-2 nang limitahan ang kanilang mga biyahe mula Antipolo hanggang V. Mapa stations.

Sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), dakong alas-5:00 ng madaling araw nang ­ipatupad ang limitadong operasyon ng LRT-2 dahil sa nasabing sunog.

Paliwanag ng LRTA, napilitan silang magpatupad ng provisionary service sa naturang mga istasyon sa Maynila dahil naapektuhan ng sunog ang power supply at sig­naling systems ng Recto Station.

Tumagal ang limitadong train operations hanggang alas-10:56 ng umaga, upang matiyak ang kaligtasan ng ri­ding public at pagsapit ng alas-10:57 ng umaga ay pinalawak ng LRT-2 ang kanilang operasyon mula Antipolo Station hanggang Legarda Station at vice-versa.

Nabatid na napinsala rin ng sunog ang elevated connecting bridge na nagsisilbing link o transfer of passengers mula LRT-2 Recto Station sa LRT-1 Doroteo Jose Station, at hindi pa maaaring daanan.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa insidente habang nanawagan ng agad na tulong ang mga pamilyang nasunugan sa lokal at nasyunal na pamahalaan.

Show comments