Habang may sakay na pasahero
MANILA, Philippines — Patay ang isang Grab driver nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspect na sakay ng puting Toyota Fortuner, sa panulukan ng Herrera at Tayuman Sts., sa Sta. Cruz, Maynila, Biyernes ng hapon.
Hindi na naisalba pa makaraang isugod sa pagamutan ang biktimang si Ronwaldo Lapidario, 40, TNVS driver na residente ng San Vicente, Bulacan.
Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Public Information Office ng Manila Police District, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa nabanggit na lugar.
Nabatid sa Manila Police District-Station 3, narekober sa crime scene ang nasa 11 basyo ng bala mula sa 9mm kalibre ng baril.
Kinukunan naman ng salaysay ang pasahero ng biktima na saksi sa insidente.
Isinara naman sa trapiko ang Tomas Mapua St., pagitan ng Tayuman at Herrera Sts., habang ipinoproseso pa ang imbestigasyon sa crime scene ng mga tauhan ng SOCO at Homicide Section.
Habang sinusulat ang balitang ito ay blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen, habang patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente.