MANILA, Philippines — Plano ng Department of Education (DepEd) na maisama sa basic education curriculum ang mandatory scouting.
Sa kanyang talumpati sa annual national council meeting ng Boy Scouts of the Philippines sa Palo, Leyte, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tinatalakay na sa kanyang tanggapan ang pag-integrate ng mandatory scouting sa Filipino Peace Culture curriculum.
Makakatulong umano ito ng malaki para sa pagtuturo ng values sa mga kabataan kasama na ang katapatan, integridad, paggalang at pagtulong sa kapwa.
Sinabi pa ni Duterte, patuloy na sinusulong ng Marcos administration ang mga programa at proyekto na layuning makahubog at makatulong sa pagpapaganda ng bansa.
Samantala, nanawagan naman siya sa Boy Scouts of the Philippines na suportahan ang Bansang Makabata, Batang Makabansa o MATATAG agenda ng DepEd na layuning makatugon sa mga problema sa edukasyon at maghanda sa mga kabataan na maging kwalipikado sa trabaho sa kanilang pagtatapos.
Matatandaang una nang sinulong ni Duterte ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps o ROTC program para sa higher education.