Indian national, nangholdap ng kababayan arestado
MANILA, Philippines — Isang Indian national ang nadakip ng mga awtoridad dahil sa panghoholdap sa kanyang kababayan, gamit ang isang gun replica sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Sandeep Singh, 30, at residente ng Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.
Batay sa ulat, si Singh ay dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)- Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) na pinamumunuan ni PLtCol. Roldante Sarmiento, dakong ala- 1:00 ng hapon sa Ilang-Ilang St., Brgy. Payatas, Quezon City dahil sa kasong robbery.
Nauna rito, nagtungo ang biktimang si Kuldeep Singh sa Brgy. Payatas upang maningil ng pautang, sakay ng kanyang motorsiklo.
Gayunman, bigla na lang umano siyang hinarang ng suspek at gamit ang isang baril ay hinoldap.
Nang makuha ang P2,500 na pera ng biktima ay tinangkang tumakas ng suspek ngunit nahablot siya ng biktima.
Ang naturang komosyon ay nakatawag naman sa atensiyon ng mga nagpapatrulyang tauhan ng PS 13 Tactical Motor Riding Unit (TMRU) na kaagad na rumesponde at inaresto ang suspek.
Nabawi mula sa suspek ang ninakaw na pera mula sa biktima, gayundin ang isang gun replica na nasa loob ng kanyang itim na sling bag. Sa imbestigasyon naman ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) Office, inamin ng suspek na dati na siyang sangkot sa ilang insidente nang panghoholdap sa lungsod.
Dahil dito, nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis sa tahanan ng suspek kung saan nakarekober ng granada sa loob ng kanyang drawer.
Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong robbery; paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o The Illegal Possession of Explosives sa piskalya.
- Latest