‘Pasyal Bakuna Day’ inilunsad sa Manila Zoo

MANILA, Philippines — Upang mahikayat ang mga bata na magpabakuna kontra sari-saring sakit, inilunsad ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang programang “Pasyal Bakuna Day” sa Manila Zoo nitong nakaraang linggo.

Isang “ceremonial vaccination” kontra polio at tigdas ang isinagawa ni Lacuna, City Health Officer Dr. Arnold Pangan, at ni Department of Health Director for Disease Prevention and Control Bureau Dr. Razel Nikka Hao nitong Huwebes.

Sa naturang programa, maaaring makapamasyal ang mga bata at kasama nilang guardian sa Manila Zoo matapos na makapagpabakuna.

Layon ng programa na mabakunahan ang 80% ng mga batang may edad limang taon pababa sa loob ng 15 araw.

Bukod sa bakunahan sa Manila Zoo, maaari ring magtungo ang mga magulang at kanilang anak sa 44 na city health centers para mabakunahan ang mga paslit laban sa tigdas, rubella at polio.

Samantala, ginugol ni Lacuna ang kaniyang araw ng kaarawan kasama ang mga senior citizen at mga bata ng lungsod nitong nakaraang Sabado.

Isinagawa ang aktibidad sa San Andres Sports Complex, kasama ang nasa 299 senior citizens na nagdiriwang din ng kanilang kaarawan ngayong Mayo. Tumanggap ang mga senior ng birthday cakes, mga bitamina, at iba pang regalo.

Nagbigay din ng party sa Manila Zoo si Lacuna para naman sa 143 bata na nagdiriwang din ng kanilang kaarawan.

Samantala, namigay rin si Lacuna ng mga regalo, inihaw na manok at tig-10 kilo ng bigas sa 1,190 na mga residente ng Barangays 525 at 616 nitong Mayo 5, kung saan siya noon nakatira.

Show comments