Kidnapping prank
MANILA, Philippines — Matapos ang kidnapping prank, pinag-aaralan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapasara ng online accounts ng Tukomi Brothers, isang popular na YouTube content creator na may mahigit 4 milyong followers.
Ayon kay PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo, delikado ang ginawang kidnapping prank ng Tukomi Brothers dahil nangangailangan ito ng responde ng pulis.
Nabatid na nasaksihan ng isang off-duty na pulis ang fake kidnapping, na muntik nang humantong sa engkwentro.
Paliwanag ni Fajardo, ang ganitong prank ay delikado lalo pa’t tungkulin ng mga pulis na rumesponde sa anumang masaksihang banta sa seguridad.
Paalala ni Fajardo sa mga content creator sa social media na iwasang gumawa ng mga prank na posibleng ikapahamak nila.
Hindi naman maaaring magsawalang kibo ang PNP sa fake kidnapping dahil posible itong magdulot ng domino effect at tularan ng iba.
Pinag-aaralan ng PNP ang mga karagdagang kasong pwedeng isampa laban sa Tukomi Brothers.