MANILA, Philippines — Tuloy na ang pagkukumpuni ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa lubak-lubak na Lagusnilad na isasara sa mga motorista ang ilang parte nito sa Mayo 2 para sa rehabilitasyon na tatagal ng apat na buwan.
Inabisuhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga motorista nitong Linggo upang mapaghandaan ang kanilang biyahe at makahanap ng alternatibong ruta dahil sa inaasahang pagsisikip pa lalo ng trapiko.
Sa advisory ng Manila City government na inilabas ni Atty. Princess Abante, inanunsyo na magkakaroon muna ng groundbreaking ceremony para sa Lagusnilad Vehicular Underpass Rehabilitation, ganap na alas-8:30 ng umaga ng Mayo 2.
Mismong si Mayor Honey Lacuna, kasama ang iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, ang mangunguna sa naturang seremonya.
Nabatid na aabutin ng apat na buwan ang rehabilistasyon sa underpass o hanggang sa Setyembre 2023.
“Motorists and members of the Media are advised that the Lagusnilad Vehicular Underpass will have a partial road closure starting May 2, 2023,” bahagi ng advisory ni Abante.
“This is to ensure the safe and efficient rehabilitation of the underpass, for at least 4 months or until September 2023,” dagdag nito.
Nabatid na inumpisahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni ng Lagusnilad na sakop ng nasyunal na pamahalaan. Ngunit makaraang kayurin ang kalsada, bigla na lamang sinuspinde ang trabaho dito na dahilan ng panganib sa mga motorista at pagkupad ng trapiko.
Dahil dito, unang nang sinabi ni Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW) City Engineer Armand Andres na sasagutin na ng pamahalaang lungsod ang rehabilitasyon ng Lagusnilad dahil na rin sa napakaraming reklamong natatanggap ng opisina ni Mayor Lacuna.