MANILA, Philippines — Kinasuhan ng alarm and scandal ang magkapatid na vlogger dahil sa ‘kidnap prank’ nila na isinagawa sa Las Piñas City noong Abril 6.
Ayon sa pulisya, kinasuhan ang nasa likod ng content creators na Tukomi na kinilalang sina Mark Lester San Rafael, Mark Hiroshi San Rafael at Eleazar Stephen Fuentes sa Las Piñas City prosecutors office.
Ang kaso ay isinampa mismo ni P/SSgt. Ronnie Conmingo ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Magugunitang nagsagawa ng eksena ang magkapatid sa may Barangay CAA sa Las Piñas sa istilo ng kidnap prank.
Bumaba sa isang kotse ang mga vlogger na nakasuot ng bonnet at sa mataong lugar ay nagkunwaring may dinukot.
Nagkataon naman na nasa lugar si SSGT. Conmingo na inakalang totoong pangyayari ang nagaganap na insidente.
Nang sumakay na sa sasakyan ang mga vlogger dala ang kanilang ‘kinidnap’ ay doon na nagdeklara na pulis si Conmingo.
Isa sa mga vlogger ang lumapit sa pulis at nagpaliwanag na prank lang ang lahat.
Ayon nga sa pulis dapat lang umano mabigyan ng leksyon ang hindi tamang mga prank ng mga content creator na posibleng naglalagay sa panganib sa kanilang nasa paligid lalo na nga at ang content nito ay tungkol sa krimen.