MANILA, Philippines — Inianunsiyo kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na ang lahat ng bagong rehistrasyon ng motorsiklo ay magiging balido na sa loob ng tatlong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na sakop din ng validity extension ang mga motorsiklo na may engine displacements na 200cc pababa.
Nabatid na sa ilalim ng existing provisions, ang mga motorsiklo lamang na may engine displacements na 200cc pataas ang eligible para sa inisyal na 3-year registration, habang ang mga motorsiklo naman na may mas maliit na engines ay may rehistrasyon na balido lamang sa loob ng isang taon.
Ayon kay LTO chief Jay Art Tugade, ang naturang bagong polisiya ay kabilang sa mga pamamaraan ng ahensiya upang pabilisin ang mga proseso at mapadali ang pakikipag-transaksiyon sa kanila ng publiko.
“Hindi natin nakikitang magkakaroon ng problema sa roadworthiness ang mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan,” paliwanag pa ni Tugade.
Idinagdag pa ni Tugade na -- “Kami sa LTO ay naniniwalang ang hakbang na ito’y makakatulong sa maraming drayber na nagpapa-rehistro ng bagong motorsiklo para magamit sa kanilang hanapbuhay o trabaho.”
Sa datos ng LTO, nasa dalawang milyong bagong motorsiklo na may engine displacements na 200cc at pababa ang nakatakdang irehistro ngayong 2023.
“Magpapatuloy po ang pag-aaral sa mga umiiral na polisiya at panuntunan. Kung kailangan po itong baguhin tungo sa ikagaganda ng sistema ay handa po namin itong gawin,” pahayag pa ng opisyal.