Ama na nanghalay ng anak, arestado
MANILA, Philippines — Inaresto ng pulisya ang isang ama na inireklamo ng panggagahasa ng sariling anak sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni P/LtCol Mark Janis Ballesteros, Station Commander ng Talipapa Police Station (PS 3) ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Romar Niebres, 33, at residente ng Brgy. Baesa, Quezon City.
Ang pag-aresto sa suspek ay bunsod na rin ng reklamong rape ng kanyang sariling anak.
Batay sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-3:00 ng madaling araw noong Abril 19, 2023 nang maganap ang umano’y panggagahasa sa loob mismo ng bahay ng mag-ama.
Nauna rito, mahimbing na natutulog ang biktima nang tabihan umano ito ng suspek, hubaran at gahasain.
Sinubukan umano ng biktima na magtungo sa bahay ng tiyahin upang magsumbong ngunit sinundan at pinagbantaan siya ng suspek.
Nagkaroon lamang ng pagkakataon ang biktima na makapagsumbong sa tiyahin nang pumasok sa trabaho ang kanyang ama.
Kaagad namang humingi ang tiyahin ng tulong sa mga pulis na nagresulta sa pag-aresto sa suspek dakong alas-3:00 ng madaling araw kahapon sa kanilang tahanan.
Ang suspek ay sasampahan ng kasong statutory rape sa piskalya.
- Latest