MANILA, Philippines — Umapela si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga may-ari, operators at administrators ng mga condominium buildings na iulat sa kanila ang mga ilegal na aktibidad ng mga dayuhang tenants o bisita sa kanilang lugar.
Ginawa ito ni Tansingco makaraang tukuyin ni Senate Committee on Women, Children, and Family Relations chaired Senator Risa Hontiveros na ginagamit umano ang mga condominium units sa Metro Manila bilang kuta ng mga crypto currency scam syndicates.
Responsibilidad umano dapat ng lahat ng Pinoy na ipaalam ang anumang ilegal na aktibidad sa kanilang lugar sa tamang ahensya ng pamahalaan bilang paglaban sa ibat-ibang modus sa kasalukuyan.
May babala rin siya sa mga condo owners na mabibigong iulat ang aktibidad ng mga dayuhan sa kanilang mga pag-aari na ito ay maaaring ituring na ‘harboring illegal aliens’ sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940 kapag nadiskubre na kinukunsinti ang operasyon.
Maaaring makulong ang sinumang hindi mag-uulat nito ng hanggang 10 taon. “If there are illegal aliens in your vicinity, report them to immigration, or to the local law enforcement agencies,” apela ni Tansingco.
“Protectors of aliens doing illegal activities in the country are also liable by law,” dagdag pa ng opisyal.