Suplay ng tubig sa Metro Manila, sapat - NWRB
MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa gitna ng banta ng pananalasa ng El Niño sa bansa.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., bagamat sapat ang suplay ng tubig, kinakailangan pa rin na magtipid ang publiko sa paggamit nito.
Binanggit nito, normal pa naman ang suplay ng tubig sa Angat Dam na nasa 197.29 meters na pangunahing source ng tubig sa Metro Manila.
“Sa tingin natin, may sapat tayong supply ng tubig para sa kababayan natin, partikular sa panahon ng tag-init. Kaya lang, kailangan natin ipunin... magkaroon ng conservation ng supply natin para mapaghandaan ang threat ng El Niño,” pahayag ni David.
Sinabi pa ni David na walang malaking impact ang pagtataas sa water allocation sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) concessionaires sa 52 cubic meters sa buwan ng Abril.
“Ganoon pa man, kailangan natin i-monitor ang kasalukuyang development sa Angat Dam, lalo na sa pagpasok ng El Niño na posibleng pumasok bago magtapos ang taon at tatawid sa susunod na taon,” dagdag ni David.
Una nang sinabi ng NWRB na may contingency plan na ang kanilang hanay sakaling kapusin ang suplay ng tubig.
- Latest