MANILA, Philippines — Nagpapatuloy pa rin ang rerailment na isinasagawa ng Philippine National Railways (PNR) sa nadiskaril nilang tren upang maibalik sa normal ang kanilang operasyon.
Sa inilabas na update kahapon, sinabi ng PNR na naitayo na nila ang tren matapos ang magdamagang pagtatrabaho ngunit hindi pa ito naibabalik sa riles.
Tiniyak naman ng PNR na sa sandaling tuluyan nang mainkaril ang tren ay maaaring maibalik na sa normal ang kanilang biyahe.
Kaugnay nito, personal na ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino ang ongoing rerailment ng nadiskaril na tren, gayundin ang restorasyon sa riles sa pagitan ng Dela Rosa at EDSA stations.
Sinabi ng PNR na simula alas-11:00 ng gabi kamakalawa, ay nasa site na si Aquino upang bantayan at siguruhing mabilis ang magiging tugon ng PNR sa sitwasyon.
Nagdagdag din umano ang PNR ng mga tao sa site upang masiguro na tulung-tulong ang lahat ng kawani sa pagreresolba, at pag-iinkaril sa tren upang maibalik sa regular ang biyahe sa lalong madaling panahon.
Labis naman ang pasasalamat ng PNR kina Aquino at Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando Cabrera na nagpadala ng tulong mula Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at (LRT-2) para tumulong sa rerailment ng nadiskaril na tren, at restorasyon ng riles.