Insidente ng sunog bumaba, bilang ng nasawi, tumaas - BFP

Base sa datos na inilabas ng BFP, nabatid na mula Enero 1 hanggang Abril 17, 2023, ay nasa 3,991 ang mga insidente ng sunog na kanilang naitala sa bansa.
KJ Rosales/ File

1st QUARTER NG 2023

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) kahapon na bagamat mas kakaunti ang mga sunog na kanilang naitala sa bansa nitong unang bahagi ng 2023, ay mas mataas naman ang bilang ng mga taong namatay dahil dito.

Base sa datos na inilabas ng BFP, nabatid na mula Enero 1 hanggang Abril 17, 2023, ay nasa 3,991 ang mga insidente ng sunog na kanilang naitala sa bansa.

Ito ay mas mababa anila ng 10% kumpara sa 4,448 insidente ng sunog na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Gayunman, ang death toll sa unang bahagi ng 2023 ay umabot na sa 124, na kinabibilangan ng 121 sibilyan at tatlong bumbero.

Mas mataas ito kumpara sa 87 lamang na naitala noong nakaraang taon, na kinabibilangan ng 85 sibilyan at dalawang bumbero.

Mas mataas din ang bilang ng mga nasugatan sa sunog na nasa 402, kumpara sa 352 lamang noong 2022.

Samantala, ang pinsala naman sa ari-arian ay lumobo rin ng 834% year-on-year at umabot sa P15,122,588,314 sa unang bahagi ng 2023, kumpara sa P1,619,206,831 lamang noong nakaraang taon.

Anang BFP, nangunguna pa ring dahilan nang pagsiklab ng sunog ang paninigarilyo o pagsisindi ng sigarilyo, kasunod ang electrical ignition na dulot ng arcing; electrical ignition na dulot ng loose connection; at ignition na dulot ng fireworks o pyrotechnics explosions.

Karamihan umano sa mga insidente ng sunog ay naganap sa residential areas, na nasa 2,008; 213 sunog ang naganap sa mercantile areas at 132 naman sa industrial areas.

Ang 2,626 naman sa mga naiulat na sunog ay ikinukonsiderang aksidente lamang; 64 ang intentional o sinadya; 53 ang natural; 31 ang ‘di tukoy; 20 ang dahil sa kapabayaan; at 1,757 naman ang iniimbestigahan pa.

Kaugnay nito, patuloy namang nananawagan ang BFP sa publiko na maging maingat upang makaiwas sa sunog, lalo na ngayong panahon ng tag-init.

Show comments