Tren nadiskaril sa Makati

Ang tren ng Philippine National Railway na nadiskaril sa southbound tracks sa may Don Bosco sa Makati City, kahapon. Wala namang naiulat na nasugatan sa nasa 400 lulan nito. Inaalam na ng pangasiwaan ng PNR ang sanhi ng pangyayari.
Kuha ni Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nadiskaril ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) habang bumibiyahe ito sa may Makati City, kahapon ng umaga.

Ayon kay PNR ­operations manager Jo Jeronimo, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga.  Galing ang tren sa Tutuban sa Maynila at patungo ng Alabang sa Muntinlupa nang madiskaril ang unahang bahagi nito sa riles.

Dahil dito, sumadsad ang train head sa graba at lupa habang nanatili naman ang ibang bagon sa riles.

Agad namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Makati City Police at train marshalls sa lugar ng insidente.

Masuwerte namang walang naiulat na malubhang nasaktan sa pangyayari.
Nagdulot naman ang insidente ng mabigat na trapiko sa Quirino Highway. — Mer Layson

Show comments