MANILA, Philippines — Posibleng magpatupad muli ng mandatory na pagsusuot ng face mask sa siyudad ng Maynila kapag nakapagtala ng panibagong ‘surge’ sa mga kaso ng COVID-19 makaraang makapagtala ng bahagyang pagtaas nito ng nakaraang Semana Santa.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng mga kaso makaraang ma-monitor ang 79 positibong kaso. Karamihan naman sa mga ito ay mild symptoms at asymptomatic lamang habang tatlo ang nasa ospital.
Sa ngayon hindi pa ito nakakaarlama pero puspusan na muli ang pag-monitor ng City Health Department sa sitwasyon sa COVID-19. “We might, in the coming weeks kung talaga dere-deretso pa or kung magkakaroon po ng surge, we might opt to go back to the mandatory use of face mask,” ayon kay Lacuna.
Sinabi ng alkalde na may ordinansa naman na maaaring amiyendahan ngunit sa ngayon ay wala pa silang plano na gawin muling mandatoryo ang pagsusuot ng face mask.
Maaaring pangunahing dahilan sa pagtaas ng mga bagong kaso ay ang pagbabakasyon sa loob at labas ng bansa at pagbabalik sa Maynila ng maraming Manilenyo. Kahapon, nakapagtala ang Manila City Health Department ng 10 bagong kaso ng COVID-19 para maitala ang mga aktibong kaso sa 85.
May kabuuang 125,092 kaso ang siyudad mula nang mag-umpisa ang pandemya na nagresulta ng pagkasawi ng 2,065. Pansamantala, pinayuhan ni Lacuna ang mga Manilenyo at mga dadayo sa siyudad na palagian pa ring magsuot ng facemask sa mga matataong lugar upang maampat na ang pagtaas ng mga bagong kaso.