PhilHealth, nakatanggap ng pinakamataas na net satisfaction rating
MANILA, Philippines — Ipinagmalaki kahapon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na natanggap nito ang pinakamataas na net satisfaction rating mula sa mga miyembro, batay na rin sa nationwide survey ng Novo Trends Ph, Inc. na isinagawa noong Setyembre 2022.
Ayon sa survey, nagresulta sa 93.75% ang net satisfaction rating ng ahensya mula sa 3,000 miyembro na isinailalim sa survey ng Novo Trends sa iba’t-ibang tanggapan nito sa buong bansa.
Batay sa survey, ang “kalidad ng PhilHealth staff at serbisyong kanilang natanggap, kasiyahan sa impormasyong ibinigay sa kanila lalo na sa paggamit ng benepisyo, kalidad ng pasilidad sa mga Local Health Insurance Offices, at mga benepisyong natanggap ng kanilang pamilya sa pagkaka-ospital” ang mga pangunahing dahilan ng kanilang kasiyahan o satisfaction
Nabatid na tumaas naman sa 86.79% ang net satisfaction rating na ibinigay ng mga ospital at iba pang pasilidad o halos sampung porsyentong pagtaas mula 77.14% noong 2021.
Nasiyahan sila sa “mabilis na transaksyon, mabait na staff at mas updated na pagbabayad ng PhilHealth”.
Ang lahat ng net satisfaction rating ng mga miyembro, pasilidad, healthcare professionals at employers ay pawang “excellent” o mahusay.
“Nagsalita na ang mga tao sa tunay na saloobin nila sa PhilHealth. Kami po ay lubos na natutuwa sa magandang balitang ito at ito ay dahil sa pagsisikap ng buong Team PhilHealth. Makakaasa ang ating mga kababayan na ipagpapatuloy namin ang de-kalidad na serbisyo para lalo nilang maramdaman ang mga benepisyo ng PhilHealth at Universal Health Care.”, pahayag ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.
- Latest