Miyembro ng ASG, huli sa Parañaque
MANILA, Philippines — Arestado ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na namamasukang construction worker sa Parañaque City, Huwebes ng gabi.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Kirby John Kraft, nakilala ang nadakip na si Alpin Salahuddin, na kilala rin sa pangalang Almad Pantangan, 38, at may warrants of arrest sa mga kasong murder at attempted murder na inisyu noong Hulyo 23, 2009 ni Judge Gregorio V. Dela Peña III, ng Regional Trial Court Branch 12, Zamboanga City.
Isilbi ang warrants of arrest laban kay Salahuddin alas- 8:00 ng gabi sa may Marina Bay South Shore Project, Jackson Avenue, Don Galo, Parañaque.
Nasamsam dito ang isang unit ng .45 caliber pistol na Firestorm Contender, isang .45 Caliber magazine na may 8 live ammunition at isang hand grenade.
Ayon sa ulat, ang mga tauhan ng Southern Police District Special Operations Unit kasama ang Philippine Navy at Joint Task force NCR, PAOCC, DDEU, DID-SPD, DMFB-SPD, Parañaque CPS, Las Piñas CPS at Zamboanga CDO ay nagsagawa ng magkasanib na operasyon matapos matunton na nagtatrabaho sa EBR Construction Company.
Ang akusado ay isang miyembro ng ASG na nakalista sa no. 7 sa Periodic Status Report na kasangkot sa kidnapping at extortion activities at nagtago nang higit sa labintatlo 13 taon.
- Latest