Pasig fire: 1 patay, 4 sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Barangay Security Force (BSF) matapos na bumalik sa loob ng nasusunog na tahanan sa pag-aakalang naiwanan doon ang kanyang anak, kahapon ng sa Pasig City.
Hindi na halos makilala pa ang biktimang si Allan Boryongan, 42, miyembro ng BSF ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, dahil sa matinding pagkasunog.
Samantala, sugatan ang apat pang biktima na sina Roland Gumanas, 47; Raymond Reyes, 31; Kevin Gonzales, 25; at Angelo Lupid, 27.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-11:48 ng tanghali nang sumiklab ang sunog sa Esguerra St. Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Nasa labas na umano si Boryongan nang bigla itong bumalik sa loob ng kanilang nasusunog na bahay upang iligtas sana ang anak na inakala niyang sa naiwan sa loob.
Gayunman, minalas na hindi na nakalabas pang muli ang biktima at natagpuan na lamang ang kanyang sunog na bangkay, sa isinagawang mapping operation.
Ayon sa BFP, nasa 55 tahanan na pawang gawa sa mga light materials ang tinupok ng apoy dahil naging pahirapan ang pag-apula sa sunog bunsod ng makikitid ang kalsada papasok sa compound.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong ala-1:12 ng hapon.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.
- Latest