MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang anim na militante makaraang sabuyan ng pintura ang US Embassy seal sa ginanap na lightning rally sa Roxas Boulevard, kahapon ng umaga.
Sinabi ni MPD Director PBGen Andre Dizon na isinasailalim na sa imbestigasyon ang mga naarestong suspek at inaasahang masasampahan ng kasong maliscious mischief.
Nabatid na dakong alas-4:50 ng madaling araw nang mag-umpisa ang rally ng nasa 50 aktibista na miyembro ng Anakbayan. Nananawagan sila sa pagbasura ng Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nagbigay ng seguridad ang mga tauhan ng MPD nang biglang magsaboy ng pintura ang ilang raliyista sa seal ng US Embassy sa may pader nito. Dito dinakma ng mga pulis ang anim na militante na hinihinalang siyang may kagagawan nito.
Sinabi ni Dizon na pinapayagan naman nila na magkasa ng kilos-protesta ang mga militante upang ilabas ang kanilang mga hinaing, ngunit hindi naman sila papayag kung maninira na ng gamit ang mga ito.
Sa pagsaboy ng pintura sa embahada ng Estados Unidos, hindi lamang ang naturang bansa ang kanilang ipinahiya ngunit maging ang gobyerno ng Pilipinas, saad pa ng heneral.
Mas pinaigting naman ngayon ng MPD ang pagbabantay sa US Embassy dahil sa inaasahan na magkakaroon pa muli ng mga pagtatangka na makalapit dito dahil sa pag-uumpisa na ng Balitakan Exercises.