MANILA, Philippines — Arestado ang isang 20-anyos na lalaki na nagpanggap na pulis at nangikil sa isang taxi driver sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Makati City Police Station-Investigation and Detective Management Section ang suspek na si Lenard Atienza , ng Southville II, Trece Martirez, Cavite.
Gagamiting ebidensya laban sa suspek ang nakumpiska sa kanyang suot-suot na athletic t-shirt na blue at may tatak na “PULIS”, isang posas at bull cap na may logo ng Philippine National Police (PNP) para ito masampahan ng kasong paglabag sa Article 177 o Usurpation of Authority and Art. 179 o Ilegal na paggamit ng uniporme at insignia ng PNP.
Sa ulat, dakong alas- 8:10 ng gabi nang arestuhin ang suspek sa may East St., Ayala Center, Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Nabatid sa security guard na si Dean Mark Ayes, 43, na habang naka-duty siya ay humingi ng tulong ang isang taxi driver hinggil sa pasahero niya na nagpakilalang pulis.
Sa halip umano na magbayad ay nanghihingi pa ito ng pera sa driver.
Hiniling umano ng sekyu sa suspek na magpakita ng PNP identification card subalit walang maiprisinta kaya agad siyang dinala sa Ayala Police Sub-Station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.