Mga paliparan, pantalan at terminal sa Metro Manila ininspeksiyon ng NCRPO
MANILA, Philippines — Personal na ininspeksyon nitong Linggo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major General Edgar Alan Okubo ang mga paliparan, daungan at terminal sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero na mag-uuwian para sa Semana Santa.
Inalam ni Okubo ang sitwasyon sa seguridad sa NAIA T3, Five Star Bus Liner, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), DLTB Bus Terminal, Philippine Ports Authority (Asian Terminal Inc. at Manila North Port), at Victory Liner sa EDSA.
Sa nasabing inspeksyon, muling iginiit ni Okubo ang kanyang gabay sa mga pulis na manatiling alerto at mapagbantay habang tinitiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga commuter.
Tiniyak din ng NCRPO na mahigpit na sinusunod at binabantayan ang police visibility at mga naitatag na Police Assistance Desks (PADs).
Dahil sa kaligtasan ng lahat ang prayoridad, bukod sa kahandaan ng mga pulis, pinaalalahanan din ng NCRPO Regional Director ang mga pasahero sa ilang safety measures at higit na sinuri ang kalagayan ng mga driver.
Hiling ni Okubo ang kooperasyon ng publiko na i-report sa mga awtoridad ng pulisya ang sinumang kahina-hinalang tao sa kanilang lugar sa pamamagitan ng NCRPO Text Hotline numbers 0915-888-8181 at 0999-901-8181.
- Latest