MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ang naiulat na pangongotong ng isa nilang tauhan sa isang seaman na maglalakbay sana patungong France na inalok ng suspek ng ‘escort service’ kapalit ng P150,000.
Makaraan ang berepikasyon, kinumpirma ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na tauhan nga nila ang itinuturo ng biktimang si JC Manganti.
Sa reklamo ni Manganti, dalawang beses siyang na-offload sa kaniyang biyahe patungong Paris nang hindi siya payagang makalipad ng mga immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport sa kabila na kumpleto siya ng mga kinakailangang mga dokumento.
Sa ikalawang pagtungo niya sa punong-tanggapan ng BI, nilapitan siya ng isang nagpakilalang empleyado at inalok ng escort service kapalit ng P150,000. Ipinagmalaki pa ng empleyado na nakakapagpalipad sila ng mga Chinese national sa mas malaking halaga na P200,000.
Aminado naman si Tansingco na dapat pinayagang makalipad na si Manganti sa ikalawang pagtungo niya sa NAIA dahil kumpleto na siya ng mga dokumentong hinahanap.
Sinabi ni Manganti na nasa P200,000 halaga ng plane tickets ang nasayang dahil sa pag-offload sa kaniya. Nangako rin siya na magsasampa ng kaso laban sa naturang empleyado na nag-alok ng escort service.
Kumpleto ang biktima ng mga ebidensya laban sa empleyado kabilang ang palitan nila ng text messages sa transaksyon.
Para maiwasan ang naturang mga aktibidad, sinabi ni Tansingco na araw-araw ay ginagawang ‘draw’ ang assignment sa mga immigration counters. Sinabi rin niya na mag-uumpisa siyang mag-opisina sa mga paliparan para makalampag kung mabagal ang pila sa mga immigration counters.