Presyo ng petrolyo, nakaambang tumaas
MANILA, Philippines — Nakatakda umanong magpatupad ng taas-presyo sa kanilang mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa sa Martes Santo, Abril 2.
Ito’y matapos ang dalawang magkasunod na linggo na tapyas sa presyo ng kanilang mga petroleum products.
Base sa ilang oil industry sources, ang taas sa presyo ng gasolina ay maaaring umabot sa P1.30 hanggang P1.60 kada litro.
Ang presyo naman ng diesel ay maaaring madagdagan ng mula P0.30 hanggang P0.50 kada litro habang ang kerosene ay maaaring magkaroon ng dagdag na P0.20 hanggang P0.40 kada litro.
Ang naturang pagtaas ng presyo ng mga petroleum products sa bansa ay natapat sa Mahal na Araw, kung kailan inaasahang dagsa ang mga motoristang bibiyahe pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
Matatandaang ang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ay karaniwang iniaanunsiyo tuwing araw ng Lunes at ipinatutupad naman kinabukasan, araw ng Martes.
- Latest