Bebot nagtangkang tumalon sa gusali, nailigtas
MANILA, Philippines — Nailigtas ng mga awtoridad ang isang 22-taong gulang na babae na nagtangkang tumalon mula sa ikaanim na palapag ng isang gusali sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasagip sa alyas na ‘Gina’, dalaga, isang helper at naninirahan sa Alvarado St., Binondo, ng naturang siyudad.
Sa ulat ng Meisic Police Station 11, dakong alas-8 ng umaga nang isang concerned citizen ang nag-ulat sa kanila ng isang babae na nasa ikaanim na palapag ng isang gusali sa may Alvarado St. sa Binondo at posible umano na magpapatiwakal.
Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at inabutan ang babae na nakaupo sa gutter ng palapag ng gusali. Pinakusapan ng mga pulis ang babae na huwag ituloy ang kaniyang tangka habang inakyat naman ng mga bumbero ang biktima.
Makalipas ang ilang minuto ng negosasyon, nagawang mapakalma ng mga negosyador ang babae hanggang sa tuluyan nila siyang madakma at maibaba sa gusali.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima para sa medikal na pagsusuri habang inaalam pa ang dahilan ng kaniyang tangkang pagpapakamatay.
- Latest