Kakulangan ng suplay ng tubig, paghandaan – Olivarez
MANILA, Philippines — Pinulong kahapon ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez ang mga kinatawan ng Bureau of Fire Protection, Maynilad at Meralco upang masiguro ang maayos na serbisyo sa tubig, kuryente at agarang aksyon ng kagawaran ng pamatay sunog sa kasalukuyang panahon ng tag-init.
Inalam ni Olivarez ang mga naging dahilan sa serye ng water interruption na nakaapekto sa maraming residente sa lungsod.
Paliwanag ng Maynilad, ang kawalan ng tubig sa Parañaque nitong nakaraang tatlong araw ay dulot daw ng isinasagawang maintenance sa Putatan Water Treatment Plants.
Ayon pa sa Maynilad, ang kanilang mga customer ay makakaranas ng mas mahabang pang-araw-araw na pagkagambala sa serbisyo simula sa susunod na linggo, dahil hindi na palalawigin ang cross-portal arrangement nito sa Manila Water Company Inc.
Dahil dito, inatasan ni Olivarez ang fire department, pati ang city environment and natural resources office at volunteer fire brigades na tumulong sa pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong barangay.
“Kung patuloy ang kakulangan sa suplay ng tubig, mararamdaman ang malaking epekto nito sa komunidad,” sabi ni Olivarez.
Nakaranas din ng power interruption ang ilang barangay sa lungsod.
Ayon sa Meralco, ito ay dahil sa isinasagawang pag-relocate ng mga pasilidad na apektado sa konstruksiyon ng Manila-Cavitex Expressway (CAVITEX) sa bahagi ng Kaingin Road sa Brgy. Sto. Niño.
Nakiusap din si Olivarez sa mga telephone, internet, cable television service providers, at telecommunication companies na ayusin ang lahat ng mga wire ng “spaghetti” na matatagpuan sa mga pangunahing lansangan, bangketa, eskinita, at pampublikong lugar.
- Latest