MANILA, Philippines — Papalitan ng bagong talagang Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang Jr. ang lahat ng guwardiya sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons (NBP).
“Papalitan ko lahat ng guwardiya sa maximum eh aabot ng 700 eh, at saka ilalagay ko ‘yung babae,” ayon kay Catapang sa isang press conference kahapon.
Sa susunod na linggo, tiniyak ni Catapang na babae na ang magiging superintendent ng mga guwardiya sa maximum security compound.
Bukod sa malaking pagbabago na ito, ipatutupad rin ni Catapang ang “one-strike policy” na nangangahulugan na kapag may reklamo sa isang guwardiya ay hindi lang siya ipatatanggal sa puwesto, ngunit ipatatanggal din siya sa serbisyo.
Ngunit tiniyak naman ni Catapang na lahat ng sumbong ay idaraan sa masusing proseso para maproteksyunan din ang mga guwardiya laban sa pang-aabuso sa kanila.
May plano rin ang bagong pamunuan ni Catapang na i-develop ang ekta-ektaryang lupain ng NBP na umano ay gagawin niyang mala-Bonifacio Global City.
Dito umano itatayo sa hinaharap ang isang government center, commercial center, at isang agri-industrial center.
Bilang patunay na magagawa ito, may ilang malalaking kumpanya na umano ang nagpahayag ng interes para mamuhunan dito Bukod dito, kasama rin sa reporma ni Catapang ang pagtatayo ng food terminal na gagawing trabahador ang libo-libong inmates ng BuCor sa iba’t ibang panig ng bansa na makababawas sa kanilang sintensya.