MANILA, Philippines — Nakatakda nang magsimula ngayong Lunes, Marso 27, ang “full implementation” ng mga itinalagang linya para sa mga bisikleta, motorsiklo, public utility vehicles (PUVs), at iba pang sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Kaugnay nito, naglabas na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga guidelines para sa naturang full implementation ng mga lanes.
Batay sa Memorandum Circular No. 03-01 ng MMDA, nabatid na ang unang lane mula sa sidewalk ng Commonwealth Avenue ay ilalaan para sa mga bisikleta. Ang linya naman para sa PUVs ay nasa pagitan ng bicycle lane at ng linya para sa mga motorsiklo. Samantala, ang lanes 4 hanggang 9 ng Commonwealth Avenue mula sa sidewalk ay maaaring gamitin ng iba pang motor vehicles.
Nakasaad rin na ang lahat ng hindi tatalima sa naturang panuntunan ay pagmumultahin.
Nabatid na ang mga PUV drivers na lalabag ay papatawan ng multang P1,200, habang ang motorcycle drivers at iba pang tsuper ay pagbabayarin ng tig-P500.
Sa pagpasok naman sa side streets o intersections, pahihintulutan lamang ang mga behikulo na lumiko gamit ang transition lines, na inilagay may 100 metro mula sa solid line ng kani-kanilang lanes. Pinapayuhan din ang mga motorista at mga tsuper na sumignal sa ibang nasa kalsada habang ginagawa ito.
Sa pagmamaniobra sa U-Turn slot, ang mga sasakyan ay pinapayagang lumipat mula sa kanilang nakatalagang linya, ngunit kailangang sila ay nasa 200 metro ang layo mula sa U-Turn Slot.
“The corresponding transition lines or pavement markings shall be installed to serve as [a] guide for that purpose,” nakasaad pa sa memorandum ng MMDA.