MANILA, Philippines — Anim na barangay sa Antipolo City, Rizal ang pansamantalang mawawalan ng suplay ng tubig sa Marso 28, Martes, at 29, Miyerkules.
Sa inilabas na abiso ng Manila Waters kahapon, layunin nitong bigyang-daan ang pagkukumpuni ng tagas sa Langhaya Bridge, sa Marcos Highway, sakop ng Barangay Inarawan sanhi ng water interruption.
Nabatid na kabilang sa mga kostumer ng Manila Waters na apektado ng naturang water service interruption ay ang mga barangay ng Dela Paz, Bagong Nayon, San Luis, San Isidro, San Juan at Inarawan.
Anang Manila Waters, nasa 15,110 tahanan sa mga naturang barangay ang apektado ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng tubig mula alas- 9:00 ng gabi ng Martes hanggang alas-7:00 ng umaga ng Miyerkules.
Pinayuhan naman ng water company ang mga apektadong kostumer na mag-imbak ng sapat na tubig bago sumapit ang water service interruption.
Sakali naman anilang maibalik na ang water supply, pinayuhan nito ang mga kostumer na pabayaan lang munang tumulo ang maitim na tubig mula sa gripo. Payo pa nito, ipunin ang naturang maitim na tubig, at gamitin sa paglilinis at pagpa-flush ng palikuran.
Para sa iba pang katanungan, maaari umanong kontakin ang Manila Waters sa kanilang hotline na 1627 o sa kanilang Facebook at Twitter accounts.