Fire drill sa Laguna, bubusisiin ng DepEd

Ilang eksena matapos magkasa ng surprise fire drill sa Gulod National High School - Mamatid Extension sa Cabuyao, Laguna, ika-23 ng Marso, 2023.
Released/Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office

MANILA, Philippines — Sinisiyasat na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang isinagawang surprise fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao City, Laguna na nagresulta sa pagka-ospital ng mahigit 100 mag-aaral doon, dulot nang dehydration at gutom.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, nais nilang malaman ang mga detalye ng insidente upang makagawa ng pagbabago at maiwasan na itong maulit pa.

“We want to get the details of what transpired po kasi and make improvements para maiwasan ‘yung incidents similar to what transpired yesterday sa Cabuyao,” pahayag pa ni Poa.

Tiniyak din naman ni Poa na ang pa­ngunahin nilang concern sa ngayon ay ang kondisyon ng mga naapektuhang mag-aaral.

Nauna rito, nagdaos ng isang fire drill noong Huwebes ang Gulod National High School – Mamatid Extension kung saan nasa 3,000 estudyante ang tinipon at pinapunta sa isang open evacuation area dakong alas-2:30 ng hapon.

Ayon sa isang disaster official, nakapagtala ang lungsod ng heat index na 39 hanggang 42 degrees Celcius, sa pagitan ng ala-1:00 ng hapon hanggang alas-3:00 ng hapon ng araw na iyon.

Dahil dito, mahigit 100 estudyante ang na-dehydrate at nagutom na nagresulta sa pagkaka-ospital ng mga ito.

Dalawa umano sa mga estudyante ang kinailangan pang i-confined habang ang iba pa ay pinauwi rin at nasa maayos ng kalagayan.

Sinuspinde na rin naman muna ang klase noong Biyernes upang mabigyan ang mga estudyante ng sapat na panahon para makapagpahinga at makarekober.

Ipinag-utos naman ni Cabuyao Mayor Dennis Hain ang pansamantalang suspensiyon ng mga fire drills para sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Anang DepEd, nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan para sa pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga batang nagkasakit sa naturang fire drill.

Show comments