MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang lalaking tirador ng mga kawad ng kuryente nang maaktuhan sa pagnanakaw ng mga tauhan ng Manila City Engineering Office na nag-iimbestiga sa paulit-ulit na pagkawala ng suplay ng kuryente sa Taft Avenue sa Maynila, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na sina Octhu-Art Culaban, alyas Alvin, 34, at Jeffrey Ocampo, 29.
Sa ulat ng MPD-Special Mayors Reaction Team (SMaRT), dakong alas-9:40 ng gabi nang mahuli sa akto ng grupo ng Manila City Engineering Office, ang mga suspek na pinuputol ang mga kawad ng kuryente sa center island sa may Taft Avenue sa pagitan ng Pedro Gil at Malvar Streets.
Agad na humingi ng responde sina Sta. Ines sa MPD-SMaRT at tuluyang pinosasan ang dalawang kawatan.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang 11 metro at isang walong metro na electrical wire na may kabuuang halagang P1,330 at isang pliers na gamit nila sa pagnanakaw.
Ayon sa Manila City Engineering Office, malaking problema nila ang ginagawang pagnanakaw sa mga kable ng kuryente sa buong siyudad ng Maynila kaya palagi na lang walang ilaw ang ilang mga kalsada na nagdudulot ng panganib para sa mga motorista.