Traffic enforcer nagbuwis ng buhay para sa mga pedestrian

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Jeffrey Antolin, 35, traffic enforcer ng Quezon City Traffic and Transport Management Department at residente ng Brgy. San Jose, QC, ngunit binawian din ng buhay dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
STAR/File

Nasalpok ng trak

MANILA, Philippines — Nakapagsagip pa ng buhay ng siklista ang isang traffic enforcer bago ito tuluyang nasagasaan ng isang 14-wheeler truck habang inaalalayan sa pagtawid sa kalsada ang mga pedestrian sa ­Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Jeffrey Antolin, 35, traffic enforcer ng Quezon City Traffic and Transport Management Department at residente ng Brgy. San Jose, QC, ngunit binawian din ng buhay dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, arestado at nakapiit na ang suspek na nakilalang si Joel Dimacali, 47, residente ng Asuncion St., Tondo, Manila, at siyang nagmamaneho sa Isuzu Tractor Head na nakarehistro sa Cyrus Logistics Inc.. Siya ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.

Batay sa ulat ng ­Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 1, naganap ang aksidente sa A. Bonifacio Avenue, Brgy. Balingasa, Quezon City dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa.

Base sa kuha ng CCTV, makikitang pinatigil ng biktima ang mga sasakyan dahil maraming pedestrian ang tumatawid sa lugar.

Nagsitigil naman ang iba pang mga sasak­yan, ngunit ang truck, na mula sa Sgt. Rivera St. at siyang nakatapat sa biktima ay nagdire-diretso sanhi upang masagasaan siya at pumailalim pa dito.

Nakaligtas naman ang mga inalalayang pedestrian ng enforcer, kabilang ang isang nakabisikletang guwardiya, na nagawa umanong itulak at iligtas ni Antolin upang hindi masagasaan ng truck.

Sa kwento ng kasamahan ng biktima na si RJ Paghiligan, malayo pa lang ang truck ay sinenyasan na nila itong huminto.

Mabagal aniya noong una ang takbo ng truck, ngunit habang papalapit ito sa mga tumatawid ay bigla itong bumilis sanhi upang masagasaan si Antolin.

Katwiran naman ng driver, nawalan ng preno ang truck kaya’t hindi niya ito naihinto.

Duda naman dito si Paghiligan dahil kung talaga aniyang nawalan ng preno ang truck ay magdidire-diretso pa ito.

Ayon naman kay QCPD Director PBGen. Nicolas Torre III, tila mas mabilis ang takbo ng truck kumpara sa allowed speed.

Tumanggi naman munang magbigay ng pahayag sa media ang mga abogado ng kompanya ng truck habang humihiling ng hustisya ang mga kaanak ng nasawing enforcer.

Samantala, tiniyak naman ni Dexter Cardenas, officer-in-charge ng QC Traffic and Transport Ma­nagement Department na lahat ng kakailanganing tulong ay ipagkakaloob nila sa biktima, kabilang dito ang tulong pinansiyal para sa pagpapalibing dito.

Siniguro rin nila na kikilalanin ng Quezon City government ang kabayanihang nagawa ni Antolin sa pagganap sa kanyang tungkulin kahit pa magresulta ito sa pagbubuwis niya ng buhay.

Show comments