MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P400 milyong halaga ng shabu ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa isang international cargo warehouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kamakalawa.
Ito ang natuklasan sa isinagawang physical examination ng Customs examiner, matapos ang kahina-hinalang imahe na natukoy ng NAIA Customs X-Ray operatives kung saan tumambad sa kanila ang nasa 58.93 kilo ng shabu na may estimated street value na P400,724,000, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Si Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso ang personal na nagpaabot ng impormasyon kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, na kasama si Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ay personal na nag-inspeksiyon sa shipment na dumating mula sa Guinea, Africa.
Ang inisyal na pagsusuri sa mga pakete na isinagawa ng CIIS, Customs examiner, at mga BOC personnel ay nagresulta sa pagkadiskubre ng limang kahon na may lamang apat na pulley engines o kabuuang 20 engines.
Nagkaroon naman ng hinala laban sa mga pakete matapos na magprisinta ang consignee ng dalawang balidong identification cards na nagpapakita ng magkaibang pangalan sa Pair Cargo Warehouse sa Pasay City.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng PDEA ang consignee, na nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, o The Customs Modernization Act (CMTA).
Sa kanyang panig, pinuri naman ni Rubio ang kanyang mga tauhan sa mahusay na trabaho ng mga ito at nangakong hindi sila titigil sa pagsusumikap na mapigilan at mapanagot sa batas ang sinumang indibidwal na magtatangkang magpuslit ng ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa. — Butch Quejada