MANILA, Philippines — Nangako ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pangunguna ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr., na susuportahan ang ‘Buhay at Bahay Caravan’ ni QC 2nd District Councilor Mikey Belmonte, matapos ang isinagawang Memorandum of Understanding signing na ginanap noong nakalipas na Biyernes.
Alinsunod sa agenda ni Pangulong Bongbong Marcos na iangat ang buhay ng maralitang sektor, ang programa ay naglalayon na makabuo ng mga agaran at pangmatagalang mga proyekto mula sa nasyonal at internasyonal na mga partners na maaaring umakma at magpapalakas sa mga interbensyon ng QC LGU upang maibsan ang kahirapan.
Ang ceremonial signing na ito ay kasunod rin sa pagsisikap ng PCUP na mas mapatibay ang ugnayan sa mga LGU at pribadong sektor.
Ang Buhay at Bahay: Housing and Improved Community Service Caravan para sa Quezon City ay nagtatampok ng 2-araw na pagsasanib pwersa ng mga programa ng pamahalaan na naka-angkop sa pangangailangan ng mga tao sa komunidad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Konsehal Belmonte ang kahalagahan ng pagtugon sa kahirapan gamit ang adaptive na mga programa.
“Ang kahirapan ay multi-dimensyonal kung-kaya’t ang mga programa natin ay dapat kayang tugunan ang lahat ng manipestasyon nito. Hindi masusugpo ang kahirapan kung kanya-kanya ang mga ahensya.” pagpapatuloy ni Councilor Belmonte.
Samantala, binigyang-diin ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto ang kahalagahan ng pagbuo ng partnership at relasyon sa pagitan ng mga maralitang tagalungsod at ng pambansang pamahalaan.
Samantala, bilang bahagi ng ‘Buhay at Bahay: Urban Poor and Human Settlement Caravan’, inilagay din ng PCUP ang information booth nito kasama ang iba pang ahensya ng pambansang pamahalaan at pribadong sektor upang tugunan ang mga isyu at alalahanin ng mga urban poor at urban poor organizations mula sa distrito.
Isinulong din ng komisyon ang apat (4) na PCUP Banner Programs: ang Piso ko, Bahay Mo; Lingkod Agapay Maralita Program; Mga Tanggapan ng PCUP Satellite; at ang PCUP Goodwill Ambassadors Program.
Maliban dito, kabilang sa mga partner na dumalo ay ang Meralco, Maynilad, PLDT, PLDT-SMART, Metro Pacific Investments, One Meralco Foundation, Microsoft, SMART, SHFC, DHSUD, at PAG-IBIG Fund.