Higit 400 bilanggo pinalaya ng DOJ, BuCor
MANILA, Philippines — Higit sa 400 mga bilanggo ang pinakawalan ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor) sa iba’t ibang bilangguan at penal farms sa bansa.
Sa ulat ng BuCor, may 401 PDLs (persons deprived of liberty) ang pinawalan nila. Kabilang dito ang 163 mula sa New Bilibid Prison (NBP), 99 mula sa Davao Prison and Penal Farm (DPFF), at 47 mula naman sa Leyte Regional Prison.
Iniulat naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na 25 inmates ang pinakawalan sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Remulla na patuloy ang DOJ sa mga ipinatutupad na reporma sa BuCor, partikular ang pagpapaluwag sa mga bilangguan sa pagpapalabas na sa mga inmates na karapat-dapat.
Sa 163 pinakawalan sa NBP, 59 sa kanila ang mula sa maximum security, 86 mula sa medium security at 12 sa minimum security habang apat ang mula sa Reception and Diagnostic Center (RDC).
Mayorya o 169 sa kanila ay pinawalan dahil sa pagkuwalipika sa parole, 106 dahil sa pagtatapos na ng kanilang ‘maximum sentence’ na may kasamang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
- Latest