MANILA, Philippines — Inihayag ng National Water Resource Board (NWRB) na umaabot sa 11 milyong pamilyang Pinoy ang kulang sa access sa malinis na tubig kaya’t umaasa na lamang ang mga ito sa mga “unprotected” deep wells, bukal, ilog, lawa at tubig ulan para may magamit sa pang araw-araw na buhay.
Sa public briefing, sinabi ni Dr. Sevillo David Jr, executive director ng NWRB na ang naturang bilang ng mga pamilya ay wala pa ring access sa malinis na tubig kaya’t nalalagay sa panganib ang kanilang kalusugan kung saan karamihan sa mga ito ay posibleng magkasakit dulot ng kontaminasyon sa tubig.
Sinabi ni David na kalimitan nang usapin ang isyu sa tubig sa tuwing summer lalona ngayong may badyang epekto ang El Niño Phenomenon o panahon ng tag-tuyot.
Gayunman, sinabi nito na may sapat namang suplay ng tubig pero dapat pa ring paghandaan ang magiging epekto ng El Niño sa taumbayan.
“Kailangan po nating paghandaan ito at baka po ito ay makaapekto sa mga water supply natin partikular po sa mga sakahan po natin,” dagdag ni David
Sinabi ni David na gumagawa na ang pamahalaan ng mga paraan upang masolosyunan ang usapin sa suplay ng tubig.